₱6.1-M pekeng slimming coffee, nasamsam sa isang warehouse sa Bulacan; 8 indibidwal, arestado
Hindi na nakapalag pa ang walong empleyado ng isang warehouse sa Brgy. Parulan, Plaridel sa lalawigan ng Bulacan matapos salakayin ng mga otoridad ang pasilidad na umano’y gumagawa ng mga pekeng slimming coffee.
Arestado ang mga suspek, kabilang ang isang Chinese national at pitong Pilipino, sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG noong October 6.
Na-recover sa warehouse ang mga hinihinalang pinekeng kape na pampapayat, mga raw materials, packaging at mga kagamitang ginagamit sa produksyon nito.
Tinatayang aabot sa ₱6.1 million ang kabuuang halaga ng mga nakumpiska.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines, matapos umanong gumawa at mag-imbak ng mga produktong lumalabag sa trademark nang walang pahintulot ng may-ari nito.
Nagbabala naman ang CIDG sa posibleng panganib ng mga pekeng produktong pampapayat sa kalusugan ng mga mamimili, lalo na kung naglalaman ang mga ito ng mapanganib o ipinagbabawal na kemikal.
Patuloy namang hinihikayat ng mga otoridad ang publiko na ulat ang mga kahina-hinalang operasyon upang makatulong sa pagsugpo sa pamemeke at iba pang paglabag sa batas. #



