Chinese national na nauugnay sa illegal POGO hubs sa Tarlac at Pampanga, arestado
By Noel Celeste, CLTV36 News
Arestado ang Chinese national na si Huang Mingmin dahil sa umano’y pagkakasangkot sa human trafficking activities na iniuugnay sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), inaresto si Huang sa K1 Center Building sa Barangay Tambo, Parañaque City nitong Biyernes October 9, sa bisa ng warrant of arrest. Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group–National Capital Region Regional Field Unit (CIDG-NCR-RFU) katuwang ang PAOCC.
Gumamit umano si Huang ng ilang alyas, kabilang ang “Yang Bin,” “Sy Wang,” at “A Bao,” upang itago ang kanyang pagkakakilanlan. Iniuugnay rin siya sa mga indibidwal na pinaghihinalaang tumulong sa operasyon ng mga ilegal na POGO hub sa Tarlac at Pampanga.
Ayon pa sa PAOCC, may mga warrant of arrest na nakaugnay sa alyas nitong “A Bao”, kabilang ang kasong qualified trafficking in persons na may kinalaman sa mga operasyon laban sa Lucky South Pampanga 99 at Whirlwind sa Porac.
Dinala si Huang sa CIDG-NCR-RFU para sa booking procedures at iba pang dokumentasyon. #

