40 katao, arestado sa umano’y illegal gold mining sa Nueva Ecija
Hindi bababa sa 40 indibidwal ang arestado matapos maaktuhang nagsasagawa ng ilegal na pagmimina ng ginto sa Brgy. Callos, Peñaranda, Nueva Ecija noong September 24.
Ayon sa Nueva Ecija Police Provincial Office, nahuli ang mga suspek habang gumagamit ng dalawang backhoe sa paghuhukay at pagkuha ng lupa para sa pagmimina. Wala rin umano silang naipakitang permit at dokumento para sa operasyon nang hanapan ng mga otoridad.
Kabilang sa mga inaresto ang 32 lalaki at walong babae na nasa edad 18 hanggang 64. Na-recover sa lugar ang dalawang backhoe at dalawang water pump na kanilang ginagamit.
Dinala sa Peñaranda Municipal Police Station ang mga naaresto, habang naiwan sa area ang mga heavy equipment sa ilalim ng police security.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7942 o ang Philippine Mining Act of 1995 ang mga nadakip na indibidwal.
Samantala, pinaghahanap pa ng pulisya ang umano’y foreman o supervisor at financer ng operasyon. #

