Kabataang manunulat, namayagpag sa 2nd Conrado Manankil Essay Writing Contest
By Noel Celeste, CLTV36 News

Nangibabaw ang mga kabataang manunulat sa 2nd Conrado Manankil Essay Writing Contest na isinagawa ng Center for Kapampangan Studies nitong Miyerkules, September 16.
Sa Elementary Category, itinanghal na kampeon si Jorem Gonzales ng Divisoria Elementary School sa Mexico, Pampanga, na nag-uwi ng ₱10,000. Nagwagi naman sa High School Category si Roj Luis Diamsay ng Panipuan High School sa San Fernando, na tumanggap ng ₱15,000.
Sa College Category, si Mark John Paras ng Pampanga State University-Bacolor ang nanguna at tumanggap ng ₱20,000.
Umikot sa mga napapanahong isyu ang mga sanaysay na isinulat ng mga kalahok gaya ng mental health, artificial intelligence, at Kapampangan culture. Gumamit din sila ng makabago at klasikong ortograpiya sa kanilang mga akda.
Layon ng patimpalak na ipagpatuloy ang adhikain ni Conrado Manankil na mahikayat ang mga kabataan na magsulat at gamitin ang wikang Kapampangan sa pagpapahayag ng kanilang mga ideya at pananaw.
Isinagawa rin ang patimpalak bilang bahagi ng paggunita sa ika-87 anibersaryo ng kaarawan ni Manankil. Mas naging makahulugan ang selebrasyon ngayong taon matapos itong ialay bilang pagpupugay ng kanyang asawang si Norma Manankil, kasunod ng kanyang pagpanaw noong December 2025.
Kabilang sa mga naging hurado sina Kapampangan poet at artist na si Dr. Tec Tolosa, ang makata at artista na si Oscar Balajadia o “Papa Osmubal,” at Komisyon sa Wikang Filipino Commissioner Reggie Cruz. #
