Bagong iPhone 18 Pro series at first-ever foldable iPhone, ipinakilala na ng Apple
Ipinakilala na ng tech giant na Apple ang bagong iPhone 18 Pro at iPhone 18 Pro Max. Bida rito ang advanced camera system, mas mahabang battery life, at mas pinahusay na performance.

Isa sa mga pangunahing upgrade ng bagong Pro models ang 48-megapixel Fusion Main Camera na may variable aperture. Mayroon itong six laser-cut blades na nagbibigay ng mas malaking control sa pagkuha ng mga larawan sa iba’t ibang lighting conditions.
Dahil dito, mas flexible ang mga user sa pagkuha ng iba’t ibang uri ng content, mula sa food photography at travel photos hanggang sa social media videos at iba pang creative content.
Pinahusay din ang performance ng bagong Pro models sa pamamagitan ng A20 Pro chip at mas bagong cooling system na idinisenyo para mapanatili ang mataas na performance sa mas matagal na paggamit.
Bukod dito, mas pinahaba rin ang battery life ng iPhone 18 Pro Max na kayang umabot hanggang 45 hours ng video playback. Ayon sa Apple, ito na ang pinakamahabang battery life na naitala sa kasaysayan ng kanilang iPhone.
Kasama rin sa mga tampok ng bagong lineup ang mas matalinong Siri AI, na idinisenyo naman upang magsilbing mas personal assistant habang pinananatili ang privacy ng user.
Samantala, isa pang bagong device ang ipinakilala ng Apple—ang iPhone Duo, na kauna-unahang foldable iPhone ng kumpanya.
Kapag nakasara, mas compact ang iPhone Duo, habang lumalawak naman ito sa 7.6-inch display kapag binuksan. Maaari itong gamitin para sa multitasking, entertainment, at iba pang gawain na nangangailangan ng mas malaking screen.
Nagsimula ang pre-order ng iPhone 18 Pro at iPhone 18 Pro Max nitong Sabado, September 12, 5 AM, habang nakatakda ang release nito sa Biyernes, September 18.
Para naman sa iPhone Duo, magsisimula ang pre-order sa October 16 at opisyal itong ilalabas sa October 23. #
