2 Kapampangan, kabilang sa 10 bagong National Artists
Dalawang natatanging alagad ng sining na may malalim na ugnayan sa lalawigan ng Pampanga ang kabilang sa mga opisyal na idineklara bilang bagong National Artists ng bansa.
Sila ay sina Maria Beatriz “Patis” Tesoro para sa kategoryang Design at si Nicanor G. Tiongson para sa Literature.

Ayon sa cultural advocate at Kapampangan historian na si Robby Tantingco, mula sa Pamintuan clan ng Angeles City si Tesoro, habang tubong City of San Fernando naman ang ina ni Tiongson.
Kilala si Tesoro sa pagsusulong ng Filipiniana at paggamit ng katutubo at tradisyunal na materyales sa fashion. Naging daan ito upang gawaran siya ng Holy Angel University (HAU) ng Juan D. Nepomuceno Cultural Award for the Arts (Kapampangan Arts category) noong 2013. Si Tiongson naman ay kinilala sa kanyang mga aklat, dula, pelikula, at malalim na pananaliksik sa kulturang Pilipino.
Ang dalawang Kapampangan ay kabilang sa sampung bagong mukha na pinarangalan sa ilalim ng Order of National Artists.
Kasama nina Tesoro at Tiongson sa bagong batch sina Gregorio Brillantes (literature), Imelda Cajipe Endaya (visual arts), Nunelucio Alvarado (visual arts), Gabriel Formoso (architecture), Rafael “Nonoy” Froilan (dance), Armando “Bing” Lao (film & broadcast arts), Teodoro Hilado (theater), at Alfredo Buenaventura (music).
Sina Brillantes, Formoso, Lao, at Hilado ay ginawaran nang ‘posthumous’ o matapos ang kanilang pagpanaw.
Ang makasaysayang paghirang ay pormal na isinakatuparan sa bisa ng Proclamation No. 1414 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. bilang pagpupugay sa husay at talento ng mga Pilipino. #
