₱5.7-M non-compliant foam mattresses, cosmetics nasabat sa Bulacan; 2 suspek, arestado
Umabot sa ₱5.7 million na halaga ng mga produktong hindi rehistrado at pumapasa sa itinakdang pamantayan ng pamahalaan ang nasabat sa magkahiwalay na operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Bulacan.
Kabilang dito ang nasa 150 piraso ng assorted foam mattresses na nagkakahalaga ng ₱700,000. Nakumpiska ang mga ito sa isang warehouse sa Barangay Sipat, Plaridel noong September 10.

Ayon sa CIDG, nahuli ang isang babaeng suspek habang nagbebenta ng mga foam mattress na hindi pasok sa minimum labeling requirements at product standards ng Department of Trade and Industry (DTI).
Alinsunod sa Republic Act No. 7394 o ang Consumer Act of the Philippines, kabilang sa mga kinakailangang impormasyon sa label ng consumer goods ang pangalan at address ng manufacturer o importer, bansang pinagmulan, petsa ng paggawa, at komposisyon ng materyales.
Samantala, noong September 7 naman, nasamsam ng mga otoridad sa Barangay Tungkong Mangga, City of San Jose del Monte ang 78 kahon ng unregistered cosmetic products at beauty creams na tinatayang nagkakahalaga ng ₱5-million.

Isang babaeng suspek ang naaresto sa operasyon matapos umanong maaktuhang nagbebenta ng nasabing produktong hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA).
Binigyang-diin ng CIDG na mahalaga ang pagsunod sa mga requirement sa pagpaparehistro at paglalagay ng tamang impormasyon sa produkto upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili at mapanagot ang mga negosyong lumalabag sa batas.
Nagbabala rin sila sa publiko na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang paggamit ng mga unregistered cosmetic products dahil hindi dumaan sa kinakailangang regulatory checks ang mga ito.
Hinimok ng CIDG at FDA ang mga mamimili na tiyaking rehistrado ang mga product bago bilhin o gamitin. Pwede rin daw gamitin ang search feature sa official website ng FDA (https://www.fda.gov.ph/) upang i-verify ang registration status ng isang produkto. #
