13,000 pulis, force multipliers ide-deploy para sa Undas 2026 sa Central Luzon

Nasa mahigit 13,000 pulis at iba pang katuwang na pwersa ang itatalaga sa buong Central Luzon para sa seguridad ng publiko sa paggunita ng Undas 2026.
Ayon sa Police Regional Office 3 (PRO 3), aabot sa 13,497 personnel ang kabilang sa deployment, na sasaklaw sa 688 sementeryo, memorial park, at columbarium sa rehiyon.
Sa kabuuan, 7,991 pulis ang itatalaga mula October 30 hanggang November 3, kabilang ang 2,802 na magbabantay sa mga himlayan at 5,189 na tututok sa iba pang gawaing pangseguridad. Dadagdagan pa ito ng 857 tauhan mula sa ibang ahensya at 4,649 miyembro ng mga advocacy group at force multiplier.
Nagtayo na ang PRO 3 ng 614 Police Assistance Desk sa ilang strategic area, habang paiigtingin din ang police visibility sa mga pangunahing lansangan at expressway, kabilang ang NLEX, SCTEX, at TPLEX sa inaasahang pagdami ng mga biyahero.
Pinapayuhan naman ang publiko na tiyakin ang seguridad ng kanilang mga tahanan bago bumiyahe, sumunod sa mga patakaran sa sementeryo at trapiko, at agad i-report sa mga otoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad o emergency. #
