Mga suspek sa pagkamatay ng isang PWD vlogger sa Tarlac, nahaharap sa kasong homicide
Pormal nang nagsampa ng kasong homicide ang Bamban Municipal Police Station laban sa mga indibidwal na umano’y sangkot sa pagkamatay ng PWD vlogger na si Arjay Yumul o mas kilala online bilang si “Katotzkie Vlog.”

Ayon sa pulisya, isinampa na sa tanggapan ng piskalya ang reklamo matapos ang isinagawang imbestigasyon at pangangalap ng mga ebidensya kaugnay ng insidente noong July 5, 2026 sa Bamban, Tarlac.
Nauna nang nagpahayag ng pakikiramay ang National Council on Disability Affairs (NCDA) at kinundena ang insidenteng nagresulta sa pagkamatay ni Yumul, na may full phocomelia o kondisyon na nagdulot ng pag-ikli ng ilang bahagi ng kanyang mga kamay o paa.
Nagpaabot naman ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office III at ang lokal na pamahalaan ng Bamban sa pamilya ng nasawi, kabilang ang financial at burial assistance.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad habang nananawagan ang Bamban MPS sa mga nakasaksi sa insidente na makipag-ugnayan upang makatulong sa pagpapatuloy ng kaso at paghahanap ng hustisya para sa pamilya ni Yumul. #
