Department of Justice at Int’l Justice Mission, pinalalakas ang kampanya kontra OSAEC
Sa ika-25 anibersaryo ng International Justice Mission (IJM) sa Pilipinas, muling binigyang-diin ng Department of Justice (DOJ) at ng mga tagapagsulong ng karapatang pambata ang mas malawak na laban kontra Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).




Dinaluhan ng iba’t ibang stakeholders, caseworkers, faith-based at religious groups, government partners, at child protection advocates ang ginanap na pagtitipon sa Ortigas, kung saan inilunsad din ang kampanyang “Hope U Protect” — isang panawagan na gawing aktibong bahagi ng proteksyon ng kabataan ang pamilya, barangay, simbahan, paaralan, komunidad, at mga institusyong may direktang tungkulin sa kaligtasan ng mga bata.
Ayon kay Justice Assistant Secretary Michelle Anne Lapuz, tatlong malalaking hamon pa rin ang kinakaharap ng pamahalaan sa paglaban sa OSAEC:
- ang mababang bilang ng mga nagsusumbong mula sa komunidad
- kakulangan sa pananagutan ng ilang institusyon
- pangangailangang palakasin pa ang kakayahan ng law enforcers at prosecutors sa paghawak ng mga kaso.
Ayon kay Lapuz, bilang lead agency ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), patuloy na nakikipagtulungan ang DOJ sa IJM upang palawakin ang Barangay IACAT Program sa mga lokal na pamahalaan at komunidad, partikular sa 20 local government units na may pinakamataas na bilang ng mga naitatalang kaso ng OSAEC.
Sinabi rin ni Lapuz na pinagsama na ng DOJ at IJM ang kanilang training programs para sa prosecutors at law enforcers upang maging mas organisado, mas malinaw, at mas epektibo ang pagtugon sa OSAEC cases.
Giit ni Lapuz, mahalaga ang tuloy-tuloy na reporma, hindi lamang sa pagpapatupad ng batas kundi maging sa pagpapalakas ng polisiya at pananagutan ng lahat ng sektor.
“Through advocating reforms, through legislation with Anti-OSAEC repeal and amendment of the new law, we are one step closer to underscoring the shared responsibility, and we are requesting everyone’s prayers to push this through. We are one step away from having this piece of legislation passed by the Senate and Congress in the bicameral committee,” ani Lapuz.
Para naman kay Atty. Samson Inocencio Jr., Country Director ng IJM Philippines, ang ika-25 anibersaryo ng organisasyon ay hindi lamang paggunita sa mga nagdaang taon ng partnership, kundi pagpapatibay ng panibagong yugto ng pagkilos upang mas maraming bata ang mailigtas, maprotektahan, at mabigyan ng hustisya.
Sa paglulunsad ng “Hope U Protect,” binigyang-diin ng IJM na ang pag-asa ay hindi lamang mensahe ng kampanya kundi konkretong tungkulin: ang bawat komunidad ay dapat may kakayahang makapansin, makapagsumbong, at makakilos kapag may batang nasa panganib ng online exploitation.
Sentro rin ng kampanya ang survivor-centered approach — ang pagtiyak na ang bawat hakbang ng imbestigasyon, prosecution, rescue, at aftercare ay hindi muling magdudulot ng trauma sa biktima, kundi magbubukas ng ligtas na daan tungo sa paghilom at hustisya.
Ayon sa IJM, hindi lamang law enforcement ang susi sa laban kontra OSAEC. Kailangang kasama ang barangay, paaralan, simbahan, pamilya, social media platforms, financial institutions, prosecutors, police investigators, at mga lokal na pamahalaan upang maputol ang sistema ng pang-aabuso.
Sa gitna ng pagdiriwang ng 25 taon ng IJM sa Pilipinas, nananatili ang malinaw na mensahe ng DOJ at IJM: ang OSAEC ay hindi tahimik na krimen na dapat pagtakpan sa loob ng tahanan o komunidad. Ito ay krimeng kailangang isumbong, imbestigahan, kasuhan, at wakasan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng buong lipunan. #
