Bagong bypass road sa Bulacan, ginhawa ang hatid sa mga estudyante at guro
Mas pinadali na ang biyahe ng mga estudyante at guro sa mga bulubunduking bahagi ng Bulacan at inaasahang bababa ang pagliban sa klase matapos makumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Doña Remedios Trinidad-Dingalan Bypass Road na nag-uugnay sa mga dating mahirap marating na komunidad.

May habang halos 68 kilometro ang naturang kalsada na nagbibigay ngayon ng direktang access sa apat na tinaguriang “Last Mile Schools” sa lalawigan. Kabilang sa mga makikinabang ang Talamsi I Elementary School, Talamsi II Elementary School, Kalawakan Elementary School, at ang Kambubuyugan Elementary School.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, mahalaga ang proyekto upang mas mapalapit ang serbisyong pang-edukasyon sa mga kabataang naninirahan sa malalayong pamayanan.
Bago maitayo ang kalsada, madalas umano nagiging dahilan ng pag-absent ng mga estudyante ang maputik at mapanganib na daan, lalo na tuwing tag-ulan.
Ayon sa pamunuan ng Talamsi I Elementary School, nag-improve nang husto ang attendance ng mga bata dahil mas madali at mas ligtas na silang naihahatid ng kanilang mga magulang.
Malaki rin daw ang naging pagbabago para sa mga guro. Anila, kung dati ay kailangan pa nilang magpalipas ng gabi sa paaralan o makipagsapalaran sa madulas na putikan, ngayon, mabilis at ligtas na raw ang kanilang biyahe papasok at pauwi.

Samantala, bukod sa kalsada, nagtayo rin ng bagong gusali sa Talamsi II Elementary School na may apat na classroom. Mayroon itong solar energy system, sariling supply ng tubig, at satellite internet connection. #
