Poultry farm sa Floridablanca, ininspeksyon ng LGU kasunod ng mga reklamo sa langaw
Ininspeksyon ng lokal na pamahalaan ng Floridablanca, Pampanga ang lumalalang problema sa langaw na inirereklamo ng mga residente sa isang resettlement area.

Nitong June 14, pinangunahan ni Municipal Mayor Michael Galang ang pag-inspeksyon sa isang poultry farm sa Barangay Pabanlag na itinuturong pinagmumulan ng perwisyo.
Kasama ng alkalde sa naturang operasyon ang mga tauhan mula sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), Sanitary Team, at ang lokal na kapulisan.

Sinuri ng mga otoridad ang kasalukuyang kondisyon ng pasilidad, pati na ang umiiral na waste management system, sanitation practices, at environmental compliance measures. Ito ay para malaman kung may direktang kinalaman nga ba ang nasabing poultry sa dumaraming langaw sa lugar.
Bunsod nito, ipinag-utos sa joint inspection team na huwag itigil ang pagbabantay at imbestigasyon sa naturang farm upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng komunidad.

Bago pa man ang pagbisitang ito, naglunsad na rin ang MENRO ng paunang pag-inspeksyon noong June 12 bilang tugon sa serye ng mga reklamo mula sa mga nakatira sa lugar.
Inaasahang magkakaroon pa ng karagdagang update ang LGU sa mga susunod na araw kaugnay ng imbestigasyon. #
