Smart infrastructure sa New Clark City, isinusulong sa bagong infra deals ng BCDA sa Japan
Makikipagtulungan ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa ilang Japanese companies para mapabilis ang pagpapaunlad ng New Clark City bilang isang modern business and industrial hub sa ilalim ng Luzon Economic Corridor.
Sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Tokyo, lumagda ang BCDA ng mga kasunduan kasama ang mga kumpanyang Sustech, Index Strategy, Inc., Yachiyo Engineering Co, at Marubeni Corporation.



Layunin umano ng mga kasunduan na paunlarin ang smart energy systems, integrated transport network, at mas maayos na utilities sa New Clark City para makaakit ng mga high-tech at malalaking industriya.
Sa energy sector, pag-aaralan ang paggamit ng advanced technology para sa mas episyenteng renewable energy management at mas maayos na supply ng kuryente sa lungsod.
Sa transportasyon naman, sisiyasatin ang pagtatayo ng integrated system na magpapabilis sa galaw ng tao at produkto sa loob at labas ng Clark area.
Kasabay nito, tinutulungan din ng Marubeni ang pag-aaral at posibleng pagpopondo sa power, tubig, at iba pang pangunahing utilities na kailangan ng isang lumalaking economic zone.
Ayon sa BCDA, mahalaga ang mga partnership na ito para matiyak na handa ang New Clark City sa malalaking negosyo at mamumuhunan na mangangailangan ng matatag at modernong imprastraktura.
Itinutulak ng pamahalaan ang proyekto bilang bahagi ng mas malawak na plano na gawing mas konektado ang ekonomiya sa Central Luzon at buong bansa. #
