Mga nagbebenta ng sibuyas, hirap kumita sa gitna ng krisis
Isang onion vendor mula Nueva Ecija ang nakikitulog muna sa isang barangay hall sa Angeles City habang pinapaubos ang kanyang mga tanim na sibuyas.
Sa kasalukuyan, mapapansin ang pagdami ng mga nagbebenta ng sibuyas sa gilid ng kalsada sa iba’t ibang bahagi ng Pampanga kasabay ng peak harvest season sa Nueva Ecija, kung saan naroon ang tinaguriang onion capital ng bansa. Karamihan sa kanila, bumibiyahe pa nang mahigit ilang oras gamit ang tricycle o maliit na sasakyan upang direktang maibenta ang kanilang ani sa mga urbanized area sa Gitnang Luzon. Ngunit sa kabila nito, hirap pa rin silang makahanap ng sapat na kita habang bagsak ang farmgate price ng sibuyas.
Isa si Kuyang Andrei sa mga magsasakang napilitang mamalagi muna sa Pampanga upang maubos ang kanyang paninda. Kuwento niya, dahil sa taas ng presyo ng diesel at kakapusan sa kita, nakikitulog na lamang siya sa barangay hall habang araw-araw na nagbebenta sa tabi ng kalsada. Ayon sa kanya, mas mabuti nang direktang magbenta kaysa ibagsak sa middleman ang kanilang produkto.
Batay sa mga ulat ng Department of Agriculture at Philippine Statistics Authority, bumababa sa humigit-kumulang ₱35 hanggang ₱45 kada kilo ang farmgate price ng pulang sibuyas ngayong harvest season habang nananatiling mataas sa ilang palengke ang retail price na umaabot sa mahigit ₱140 kada kilo. Lumalabas umano na malaki pa rin ang agwat sa presyo mula bukid hanggang merkado — isang problemang matagal nang hinaing ng mga magsasaka. Sa pagdinig pa ng Senado nitong mga nakaraang buwan, kinuwestiyon din ang pagpasok ng imported onions kahit mataas ang lokal na produksyon ngayong taon.
Ayon sa mga onion farmer, malaking dagok sa kanila ang pagdagsa ng imported onions kasabay ng anihan. Bukod sa bumabagsak ang presyo ng kanilang produkto, tumataas din ang kanilang gastos sa produksyon gaya ng fertilizer, irigasyon, labor, at produktong petrolyo. Kaya sa halip na umasa sa bagsakang bentahan, marami ngayon ang gumagawa ng sariling paraan upang maihatid ang kanilang ani direkta sa merkado, kahit pa nangangahulugan ito ng pagtulog sa biyahe at maghapon na pagbebenta sa ilalim ng matinding init.
Sa gitna ng krisis, sumasalamin umano ito sa mas malalim na problema sa agricultural supply chain sa bansa. Habang naghahanap ng murang bilihin ang consumers, nananatiling malaking tanong kung paano mabibigyan ng patas na kita ang mga magsasakang siyang bumubuhay sa supply ng pagkain ng bansa. #
