‘Energy lockdown’ sa April 20, fake news; mga nagkakalat ng maling impormasyon, mananagot sa batas
Mananagot daw sa batas ang sinumang magpapakalat ng maling impormasyon lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ito ang babala ng Malacañang at ng Philippine National Police (PNP) sa gitna ng pagkalat ng fake news tungkol sa umano’y “energy lockdown” at isyu sa suplay ng enerhiya.

Ayon kay Acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, hindi papayagan ng gobyerno ang sinuman na sadyang magpalaganap ng maling impormasyon para samantalahin ang sitwasyon, pati na rin ang anumang gawain na pwedeng makaapekto sa presyo o suplay ng merkado.
Ang pahayag ay kasunod ng pag-flag ng Palasyo sa isang viral social media post na humihikayat sa publiko na mag-stock ng pagkain, gamot, tubig, at iba pang supplies gaya ng power bank, solar equipment, flashlight, at kandila para umano sa isang “energy lockdown” na magsisimula sa April 20. Hinihikayat din sa nasabing post ang mga netizen na i-share ang impormasyon.
May kumalat din na hiwalay na post tungkol sa umano’y “emergency lockdown” simula April 10 dahil sa tinatawag na COVID-19 “Cicada variant,” na agad namang pinabulaanan ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Gomez, ang anumang pagtatangkang linlangin ang publiko o pagkakalat ng fake news ay may kaakibat na parusang hanggang anim na buwan sa ilalim ng Revised Penal Code. Hanggang isang taong pagkakabilanggo naman kung ginawa ito online, alinsunod sa Cybercrime Prevention Act.
Kasama sa hakbang ng gobyerno ang anti-fake news desk ng PCO, katuwang ang Department of Justice, na magsasampa ng kaso laban sa mga responsable.
Pinapaalalahanan din ng PCO ang publiko na tiyaking nagmula sa opisyal na pahayag at verified sources ang impormasyon bago ito i-share sa social media.

Samantala, sinabi naman ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na aktibong minomonitor ng kanilang hanay ang social media at iba pang platform upang matukoy ang coordinated disinformation campaigns.
Inatasa ang Anti-Cybercrime Group (ACG) ng PNP na palakasin ang pagbabantay sa mga page at account na ginagamit sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Bukod dito, ginagamit na rin daw ngayon ng local police units ang kanilang social media accounts para kontrahin ang fake news.
Babala ni Nartatez, magsasampa sila ng kasong kriminal laban sa mahuhuling responsable sa pagkakalat ng disinformation. #
