Messaging app na Telegram, ‘under observation’ ng DICT at CICC
By Acel Fernando, CLTV36 News
Mahigpit ngayong binabantayan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang messaging app na Telegram dahil sa dumaraming ulat ng ilegal na aktibidad sa loob ng platform.
Kinumpirma ni DICT Secretary Henry Aguda na “under observation” ang app dahil umano sa paggamit nito sa online gambling, scams, piracy, bentahan ng ilegal na droga, at online sexual exploitation of children (OSAEC).
Ayon kay Aguda, non-negotiable ang laban kontra OSAEC at iba pang online crimes. Kapag nagpatuloy ang mga paglabag at walang sapat na kooperasyon mula sa platform, maaari umano irekumenda ang pag-block dito.
Samantala, sinabi naman ni CICC Executive Director Renato Paraiso na hamon sa imbestigasyon ang kawalan ng pisikal na opisina ng Telegram sa bansa, dahilan para mahirapan ang mga otoridad na matukoy ang mga nasa likod ng krimen.
Nilinaw din ng dalawang ahensya na ang pag-ban ay huling remedyo na lamang. Mas prayoridad pa rin ang mas mahigpit na koordinasyon upang mapanatiling ligtas ang mga Pilipino sa digital space. #
