Cleanup drive sa Abacan River, nagpapatuloy
Muling nagtulong-tulong ang iba’t ibang sektor para sa paglilinis ng Abacan River sa may bahagi ng Angeles City bago nagtapos ang buwan ng Enero.
100 volunteers mula sa Balibago Waterworks, Nagkakaisang Guardians, Soliman E.C., at Abacan River and Angeles Watershed Advocacy Council (ARAW-ACI) ang nakiisa sa cleanup drive.
Nilinis at tinanggal ng grupo ang plastic, non-biodegradable, at iba pang solid wastes na itinapon at nakabara sa naturang ilog na karaniwan na raw na problema rito.
Bahagi ito ng programang tinaguriang Abacan o Angeleños and BWSI Advocates Cleanup Action for Nature na nilagdaan sa pagitan ng Metro Angeles Chamber of Commerce Incorporated (MACCI), BWSI katuwang ng Angeles Centro, at ARAW-ACI noong April 2025.
Ito na ang ika-siyam na cleanup drive na isinasakatuparan tuwing ikatlong Sabado ng buwan na nakatoka sa mga miyembro ng MACCI at kabahagi ng Abacan.
Ang mga nakokolektang basura ay inihahatid ng Angeles Environment Management System sa Eco Protect Landfill sa Porac.
Sa pamamagitan ng naturang programa at pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor, nagkakaroon umano ng mga sustainable initiatives para sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran at pangangalaga sa kalikasan. #
