3 truck na may kargang ₱10-M illegal pork products, nasabat sa Bulacan
Nasabat at inimpond ng kapulisan ang tatlong trak na naglalaman ng frozen boneless pork products sa Sta. Maria, Bulacan nitong Sabado, January 31, matapos mabigong patunayan ang legalidad at pinagmulan ng dala nilang kargamento.
Isinagawa ang operasyon bandang 10:10 ng umaga ng mga mobile patrol personnel ng Regional Highway Patrol Unit 3 (RHPU3) habang nagpapatupad ng anti-carnapping campaign at plate spotting sa Gov. Fortunato Halili Road.
Sa pangunguna ni PCol. Sally Mangacop, pinara ang nasabing refrigerated vans dahil sa paglabag sa mga batas-trapiko, kabilang ang hindi pagsusuot ng seatbelt, kawalan ng Official Receipt at Certificate of Registration (OR/CR), hindi awtorisadong paggamit ng blinkers alinsunod sa Presidential Decree No. 96, at kawalan ng rehistro.
Nang inspeksyunin ang laman ng mga ito, inamin ng mga drayber na may kargang frozen boneless pork products ang mga trak na tinatayang nasa pitumpu’t limang tonelada. Gayunman, hindi sila nakapagpakita ng mga kinakailangang dokumento na magpapatunay sa legalidad at pinanggalingan ng mga produkto.
Tinatayang nagkakahalaga ng mahigit sampung milyong piso ang mga undocumented frozen meat na ibinibiyahe.
Sa beripikasyon sa pamamagitan ng HPG Vehicle Information Management System, nakumpirma na ang mga trak ay hindi kabilang sa alinmang nationwide alarm o listahan ng mga nakaw na sasakyan.
Ang mga naimpound na trak ay isinailalim sa kustodiya ng kaukulang yunit ng Highway Patrol Group para sa karagdagang imbestigasyon at wastong disposisyon.
Binigyang-diin ng PNP–Highway Patrol Group na mananatili itong mahigpit sa pagpapatupad ng mga batas-trapiko at sa pagtitiyak ng kaligtasan sa kalsada. #
