82-hectare bamboo plantation sa Zambales, isasailalim sa rehabilitasyon
Isang five-year partnership para sa rehabilitasyon ng 82-hectare bamboo plantation sa Sta. Cruz, Zambales ang nilagdaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Shangfil Mining & Trading Corporation.

Sa ilalim ng kasunduan, pangungunahan ng pribadong kumpanya ang muling pagtatanim, maintenance, at pagprotekta sa bamboo plantation sa Barangay Guinabon, na naitatag noong 2013.
Magbibigay naman ang DENR ng technical assistance, monitoring, at mga pagsasanay upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng proyekto.

Target ng proyekto ang hindi bababa sa 85% survival rate ng mga itatanim na punla. Prayoridad ang pagtatanim ng bamboo, native trees, at fruit-bearing tree species upang mapalakas ang forest cover, biodiversity, at carbon absorption sa lugar.
Ayon sa DENR, layunin ng partnership na mapabilis ang rehabilitasyon ng mga nasirang kagubatan at makatulong sa pagpapalakas ng climate resilience sa lugar bilang bahagi ng Expanded National Greening Program sa ilalim ng Executive Orders 26 at 193. #
