68.5 milyong balota, naimprenta na; distribusyon nakatakda sa Abril: Comelec
By Jam Gomez, CLTV36 News intern
Natapos na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-iimprenta ng 68,542,564 opisyal na balota para sa nalalapit na pambansa at lokal na halalan sa May 12, 2025.

Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, sinimulan ang pag-iimprenta noong January 27, 2025, at sa kabila ng ilang hamon, natapos ito bago ang itinakdang deadline noong March 15, 2025.
Nilinaw rin ni Garcia na ang mga nalimbag na balota ay eksklusibo lamang para sa May 2025 elections at hindi kasama ang test ballots o ang mga gagamitin sa Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE), na itinakda sa October.
Ang huling batch ng mga balotang naimprenta nitong Sabado ay nakalaan para sa Iloilo at San Juan City sa Metro Manila.
Samantala, pansamantalang sinuspinde ng Comelec ang pag-iimprenta ng anim na milyong balota matapos maglabas ang Korte Suprema ng ilang Temporary Restraining Orders (TROs) kaugnay ng mga kasong diskwalipikasyon at nuisance candidates.
Sa kabila nito, tiniyak ng Comelec na magsisimula na ang distribusyon ng mga balota sa buong bansa pagsapit ng ikalawang linggo ng Abril 2025.
Sa kasalukuyan, halos 34 milyon o 50% ng mga nalimbag na balota ang dumaan na sa verification process upang matiyak ang kalidad at pagiging lehitimo ng mga ito bago ang opisyal na halalan. #