6-milyong rejected ballots, sisirain ng Comelec
Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsira o pag-dispose sa tinatayang anim na milyong rejected ballots at trimmings mula sa kanilang bodega sa Santa Rosa, Laguna.

Dinala ang mga naturang balota sa Fifth Discipline Packaging Paper Corporation, isang paper mill sa TECO Industrial Complex, Barangay Bundagul, Mabalacat City, Pampanga nitong Sabado, March 15 para sirain.
Nauna nang ipinaliwanag ng Comelec na lahat ng itinatapong rejected ballots ay dadaan sa direct melting process gamit ang isang dissolving solution upang ma-recycle.
Tugon ito sa mahigpit na pagbabawal ng National Archives of the Philippine na shredding at micro-shredding ng mga balota.
Dahil dito, isang resident auditor naman mula sa komisyon at isang election watchdog ang naging saksi sa transportasyon at pagtatapon ng mga balota upang matiyak ang maayos ang proseso.
Samantala, natapos na ang pag-imprenta ng mahigit 68 milyong balota na gagamitin para sa May 12 Midterm Elections, ayon sa Comelec. #