500-MW solar project, itatayo sa New Clark City
Inaasahang mas bibilis ang paglipat ng Pilipinas sa clean energy matapos lagdaan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at ACWA Power Philippines ang isang land lease agreement.
Gagamitin ang 500-hectares na lupain sa New Clark City upang magtayo ng isang dambuhalang pasilidad ng solar power at battery storage.

Layon umano ng proyektong ito na magbigay ng solusyon sa lumalaking pangangailangan sa kuryente ng mga modernong industriya nang hindi nakasisira sa kalikasan. Sa pamamagitan ng integrated solar PV at battery energy storage system (PV-BESS), titiyakin daw ng pasilidad na may matatag at tuloy-tuloy na supply ng eco-friendly electricity sa rehiyon.
Saad pa ng BCDA, magiging pangunahing lunas ang proyektong ito para sa mga itatayong data centers, high-tech manufacturing, at mga kumpanyang gumagamit ng artificial intelligence (AI) sa loob ng New Clark City.
Dahil nangangailangan ng malaking enerhiya ang mga nasabing industriya, magsisilbing “anchor power locator” ang renewable energy mula sa ACWA Power upang mapanatiling matatag ang operasyon ng buong smart city.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, malaking tulong ang hakbang sa pagbubukas ng mga bagong pamumuhunan at de-kalidad na trabaho para sa mga Pilipino. Patunay aniya ito sa tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan sa mga economic reform sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na naglalayong palakasin ang Central Luzon at ang buong bansa.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Samir Serhan, Global Chief Executive Officer ng ACWA Power, na ang pakikipagtulungan sa BCDA ay nagbibigay ng malinaw at pangmatagalang direksyon para sa kanilang kumpanya.
Naniniwala raw siyang malaki ang maitutulong ng proyekto upang mapababa ang singil sa kuryente habang sinusuportahan ang paglago ng mga lokal na industriya sa pamamagitan ng maaasahang renewable energy.
Bukod sa pagbibigay ng energy solutions, binigyang-diin ni Salman M. Baray, Country General Manager ng ACWA Philippines, na magiging katuwang din sila sa pag-unlad ng mga komunidad sa paligid ng site. Titiyakin daw ng kumpanya na kapaki-pakinabang din ang malawak na proyektong ito sa mga mamamayang naninirahan sa tabi nito.
Para naman kay BCDA President & CEO Joshua Bingcang, ang pagpili ng ACWA na mamuhunan sa New Clark City ay isang patunay sa mundo na handa ang Pilipinas sa mga ganitong uri ng development.
Inihayag din niya na magpapabilis din nito ang pag-abot ng bansa sa target nitong maging renewable energy ang 35% ng national supply ng kuryente pagdating ng taong 2030. #
