4 na indibidwal, huli sa ilegal na bentahan ng langis sa Pampanga
Arestado ang apat na empleyado ng isang gasolinahan dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta ng produktong petrolyo sa kahabaan ng Ninoy Aquino Road sa Brgy. San Roque, Magalang, Pampanga nitong Biyernes, October 9.
Napag-alamang walang kaukulang regulatory authorization mula sa Department of Energy (DOE) ang mga ibinebentang produkto.
Kasama sa mga dinakip ang tatlong pump attendant at isang cashier matapos ang ikinasang test-buy operation ng Police Regional Office 3 (PRO 3) Regional Special Operations Group, katuwang ang Magalang Municipal Police Station at Pampanga Provincial Police Office.
Samantala, kasalukuyan ding iniimbestigahan ang may-ari ng establisyimento na wala sa lugar nang maganap ang raid.
Tinatayang ₱879,000 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na ebidensya sa nasabing gasolinahan. Kabilang dito ang dalawang fuel dispenser na naglalaman ng humigit-kumulang 10,000 liters ng langis, ₱1,000 marked money, ₱25,507 na kinita sa ilegal na bentahan, at mga sales invoice.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 (na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865), na nagpaparusa sa mga ilegal na gawain at bentahan kaugnay ng produktong petrolyo. #


