4-km segment ng CLLEX, bukas na; mas mabilis na biyahe sa Tarlac-Nueva Ecija, asahan
Inaasahang magpapabilis sa biyahe at makatutulong sa pagpapababa ng gastos sa transportasyon ng mga agricultural products ang bagong bukas na bahagi ng Central Luzon Link Expressway (CLLEX), ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Pinangunahan ni PBBM ang pagbubukas ng 4-kilometer segment ng expressway sa Cabanatuan City na bahagi ng East-West Luzon Corridor na magdurugtong sa Tarlac at Nueva Ecija.

“Kahit na apat na kilometro lamang yung pinag-uusapan natin, ang magiging epekto nito ay napakalaki hindi lamang sa pagbabawas sa oras ng biyahe, hindi lamang sa pagbabawas sa konsumo, kundi pati sa pagpapanatili ng presyo ng bigas na alam naman natin pagtinamaan ang langis ay maraming sumusunod pati pagkain. Yan ang inaabangan natin at inaalala natin, at binabantayan natin nang mabuti,” ani Pres. Marcos.

Sa pamamagitan ng bagong kalsada, magiging 20 minutes na lamang ang travel time mula Tarlac City hanggang Cabanatuan City at vice versa mula sa dating 1 hour and 30 minutes.
“Alam niyo naman ang Nueva Ecija ay yan ang rice granary ng Pilipinas ngayon. At eto ay makakatulong para bawasan ang transport cost at ganon sa pagbaba ng transport cost ay mananatili ang presyo ng bigas,” saad ni PBBM.

Tinatayang nasa 11,500 na sasakyan ang dadaan sa bagong bukas na bahagi ng expressway araw-araw.
Toll-free din muna ito hanggang December upang mahikayat ang mga motorista at mabawasan ang trapiko sa MacArthur Highway.
Bahagi ang proyekto ng mas malawak na programa ng pamahalaan na palakasin ang mga pangunahing imprastraktura sa transportasyon upang mapababa ang gastos sa logistics at matugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis. #
