$4-B solar project sa Nueva Ecija at Bulacan, pinaiimbestigahan sa Kongreso
Nagbabala ang iba’t ibang samahan ng magsasaka sa Gitnang Luzon ukol sa matinding banta umano sa seguridad sa pagkain at sakahan kasunod ng pagtatayo ng dambuhalang Meralco Terra (MTerra) Solar Project.

Dahil sa paggamit ng tinatayang 3,500 ektaryang agricultural land sa Nueva Ecija at Bulacan para sa nasabing $4-billion megaproject, unti-unti umanong nawawasak ang itinuturing na “rice granary” ng Pilipinas.
Umano’y panggigipit sa mga magsasaka
Bunga nito, ayon sa grupong Movement Against Destructive Solar Farms (MADSOLAR), humigit-kumulang 22,000 residente na sa Peñaranda, General Tinio, at Gapan City ang umano’y direktang apektado ng malawakang land use conversion.
Lalo pa raw lumala ang sitwasyon para sa 300 pamilyang magsasaka sa Gapan matapos silang mawalan ng pangkabuhayan nang sakupin ang 1,000 ektarya ng kanilang lupang sakahan.

Iginiit naman ng Bayanihang Magsasaka ng Sangilo Association Inc. (BMSAI) at Sitio Sangilo United Farmers Association Inc. (SSUFAI) na nagdulot din ang proyekto ng mga serye ng panggigipit, deployment ng mga pulis, at tahasang paninira ng mga tauhan ng MTerra sa may 30 hectares na taniman gamit ang mabibigat na kagamitan noong April 2026.
Samantala, tinuligsa naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang administrasyong Marcos Jr. sa pagpayag sa conversion ng mga lupang agrikultural para sa proyekto na pagmamay-ari ng SP New Energy Corp. (60%), na kino-control ng Meralco, at ng General Atlantic (40%) na isang American company.
Anila, ang pagkawala umano ng mga sakahan ay direktang nagpapalala sa krisis sa pagkain at nagtutulak sa bansa na mas maging dependent sa angkat na bigas kapalit ng interes ng mga nabanggit na korporasyon.
Imbestigasyon sa land acquisition
Kaugnay nito, bilang paunang solusyon, inihain ng Makabayan Bloc ang House Resolution No. 1348 upang paimbestigahan sa House Committees on Agriculture and Food at Energy ang legalidad ng land acquisition ng kontrobersyal na MTerra.

Kasama rin sa solusyong isinusulong ng KMP ang pagpapatigil sa conversion ng mga lupang sakahan, pagprotekta sa karapatan ng mga lokal na pamayanan, at pagpapanagot sa mga gumawa ng paglabag.
Iginiit ng pangkat na dapat maghanap ang pamahalaan ng mga alternatibong paraan sa paglipat sa renewable energy na hindi nagsasakripisyo sa produksyon ng pagkain at sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka.

Largest integrated solar and battery facility
Noong July 14, 2026, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagpapasinaya sa Phase 1 ng proyekto sa Brgy. Puting Tubig, Gapan City, Nueva Ecija.

Ayon sa pamahalaan, bahagi ito ng pagpapalawak ng renewable energy at pagpapalakas ng supply ng kuryente sa bansa. Sa kasalukuyan, mayroon na itong 1,373 megawatts na solar power capacity at 825 megawatts na battery energy storage. Kinikilala rin ito bilang ‘largest operational integrated solar and battery facility on a single site’ sa buong mundo.
Inaasahang makatutulong ang proyekto sa humigit-kumulang 2.4 milyong kabahayan, makalilikha ng higit 10,000 trabaho, at makababawas ng mahigit 4.3 million metric tons ng carbon emissions kada taon kapag tuluyang nakumpleto.
###
