336 pawikan hatchlings, pinakawalan sa karagatan ng Morong, Bataan
By Abby Santiago, CLTV36 News intern
Pinakawalan sa karagatan ng Sitio Fuerte, Barangay Poblacion sa bayan ng Morong, Bataan ang kabuuang 336 olive ridley sea turtle o pawikan hatchlings sa isinagawang ceremonial release ngayong Martes, March 3.
Pinangunahan ang aktibidad ng Sagip Pawikan Sitio Fuerte Association katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), AboitizPower GMEC-GNPD, Pamahalaang Panlalawigan ng Bataan, at lokal na pamahalaan ng Morong.
Layunin ng programa na mapalakas ang pangangalaga sa pawikan, kasabay ng pagpapalawak ng partisipasyon ng komunidad sa mga environmental initiative.
Bago pakawalan, sumailalim muna sa proper handling at release protocols ang hatchlings upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang ginagabayan patungo sa dalampasigan.
Nakiisa rin sa aktibidad ang iba’t ibang ahensya at organisasyon kabilang ang Philippine National Police–Morong, Provincial Tourism Office, CARES Morong, Barangay Council ng Poblacion, at Rural Health Unit ng bayan.
Ang olive ridley sea turtle ay isa sa limang uri ng pawikan na matatagpuan sa tropical waters ng Pilipinas, na karaniwang nangingitlog sa mga baybaying lugar ng Morong sa Bataan, San Antonio sa Zambales, at ilang bahagi ng Aurora. #
