3 Chinese nationals, timbog sa pagdadala ng ₱69.7-M high-grade marijuana sa CRK
Arestado ang tatlong Chinese nationals matapos mahulihan ng hinihinalang kush o high-grade marijuana sa Clark International Airport nitong Sabado, March 7.
Sa ulat ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark, nadiskubre ang ilegal na droga bandang 8:03 ng umaga sa routine inspection sa mga pasaherong dumating mula Bangkok, Thailand na patungo sana sa Hong Kong.
Sa isinagawang passenger profiling at X-ray screening, napansin ng mga otoridad ang kahina-hinalang imahe sa kanilang mga bagahe. Nang buksan ito, tumambad ang 99 vacuum-sealed plastic packs na naglalaman ng tuyong dahon at fruiting tops na pinaniniwalaang marijuana.
Natagpuan ang ilegal na droga sa tatlong hand-carry luggage ng mga suspek na may kabuuang timbang na 15.47 kilos at tinatayang nagkakahalaga ng ₱69,799,950.
Kinumpirma rin ng PDEA K9 units ang presensya ng ipinagbabawal na gamot.
Agad na inaresto ang mga suspek bunsod ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at ipinaalam ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng batas.
Naglabas naman ng warrant of seizure and detention ang BOC kaugnay ng paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act No. 10863 kaugnay ng RA 9165.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA Central Luzon ang mga inaresto habang nagpapatuloy ang tactical investigation.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng BOC–Port of Clark, PDEA, PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 3, PNP Aviation Security Unit 3, at NBI Pampanga District Office.
Tiniyak ng mga otoridad ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga paliparan at pantalan na madalas umanong ginagamit bilang access sa ilegal na kalakalan. #
