3 Chinese nationals, tiklo sa online fraud sa Angeles City
Arestado ang tatlong hinihinalang Chinese nationals sa isang operasyon kontra online scam at money laundering sa Angeles City, Pampanga gabi nitong Lunes, April 27.
Kinilala ang mga suspek na sina Zhang Zheng, 42; Ren Yi, 28; at Zhang Shengjun, 31. Nahuli umano ang mga ito habang aktong gumagamit ng mga computer na pinaniniwalaang sangkot sa panloloko ng mga banyagang biktima.
Isinagawa ang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit, katuwang ang National Bureau of Investigation–Organized and Transnational Crimes Division, sa isang residential property sa Pulu Amsic.
Ayon sa imbestigasyon, bahagi umano ang mga suspek ng tinatawag na “breakaway” scam hubs—mga grupong binubuo ng dating POGO workers na muling nagsasagawa ng illegal activities sa mga pribadong bahay upang makaiwas sa otoridad.
Sa beripikasyon, napag-alamang may iba’t ibang status sa bansa ang mga suspek, kabilang ang may working visa, expired visa, at permanent resident. Gayunpaman, wala umanong naipakitang pasaporte o valid immigration documents ang mga ito nang arestuhin.
Pansamantalang nakakulong ang mga suspek sa BI Warden Facility habang isinasailalim sa deportation proceedings. #
