2 suspek sa pagpatay sa pulis sa Guiguinto, Bulacan, arestado na
Nasa kamay na ng mga otoridad ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang pulis sa Guiguinto, Bulacan. Nadakip ang mga salarin wala pang 48 oras matapos ang krimen, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Kinilala ang nasawing biktima na si Police Master Sergeant Jose Uring, 50 taong gulang, residente ng Brooklyn Heights Subdivision sa Barangay Tuktukan, Guiguinto. Naka-assign siya sa Provincial Intelligence Unit ng Bulacan Police Provincial Office.
Batay sa ulat ng Guiguinto Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang 9:57 PM noong March 8, sa basketball court ng Brooklyn Heights Subdivision sa Barangay Panginay. Isinasagawa ng mga oras na iyon ang caucus para sa eleksyon ng mga opisyal ng homeowners association.
Habang papunta umano ang biktima sa tent ng mobile sound system, bigla itong nilapitan ng suspek mula sa likuran at binaril. Sa gitna ng kaguluhan, nagpaputok pa ng isa pang bala ang suspek habang tumatakas, na siyang ikinasugat ng isang sibilyan.
Agad na dinala sa Guiguinto Polymedic Hospital ang dalawang biktima kung saan idineklara dead on arrival si Uring, habang patuloy namang ginagamot ang sugatang sibilyan.
Sa isinagawang hot pursuit operation ng Guiguinto Police sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Librado Manarang, at sa tulong ng iba pang yunit ng pulisya sa Bulacan, naaresto ang dalawang suspek noong Martes, March 10.
Ang isa sa mga suspek na umano’y nagsilbing driver at kasabwat ng gunman ay naaresto sa Barangay Maysantol sa Bulakan bandang 6 PM; habang ang hinihinalang gunman na dating pulis na tinanggal sa serbisyo ay nadakip sa Barangay Panghulo sa Obando bandang 7 PM.
Nasamsam mula sa kasabwat ang isang granada, isang itim na motorsiklo, pulang helmet, mga damit, at ilang cellphone.
Narekober naman mula sa gunman ang isang motorsiklo, backpack na naglalaman ng iba’t ibang baril at mga bala, magazine, holster, mga damit na pinaniniwalaang ginamit sa krimen, ilang identification cards, at isang cellphone.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Guiguinto MPS ang dalawang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong murder at frustrated homicide laban sa kanila sa tanggapan ng piskalya sa Malolos City. #
