2 suspek sa carnapping incident sa CSFP, huli
Arestado ang dalawang suspek sa isang carnapping incident sa Barangay Dolores portion ng Jose Abad Santos Avenue sa City of San Fernando, Pampanga nitong Biyernes, March 14.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 3 (PRO 3), sapilitan umanong kinuha ng dalawang armadong suspek ang itim na Toyota Land Cruiser ng biktimang si “Migs”, 21-anyos, residente ng San Fernando, na nakarehistro sa isang Mr. Zubiri mula sa Makati City.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Reden” at “Ryan”, parehong nagmula sa Bolinao, Pangasinan. Batay sa imbestigasyon, tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang biktima upang makuha ang sasakyan.

Sinubukan ng biktima na pigilan sila sa pamamagitan ng pag-abot sa bintana ng driver’s side ngunit nahatak siya habang tumatakbo ang sasakyan na nagresulta sa injury sa kanyang kaliwang braso.
Isang saksi naman na nakasakay sa motorsiklo ang agad na nag-report sa mga pulis na naka-duty malapit sa Lazatin Boulevard. Sa tulong ng mga SWAT personnel na naroon sa lugar, agad na hinabol ang mga suspek. Sa gitna ng mabigat na trapiko, na-intercept ng mga pulis ang ninakaw na sasakyan at napasuko ang mga suspek.
Sa isinagawang inspeksyon, nakuha mula kay alyas “Ryan” ang isang sling bag na naglalaman ng isang .45 caliber STI Edge firearm na may serial number 287215, pati na rin isang magazine na may siyam na bala.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong carnapping, grave threats, serious physical injury, at paglabag sa Omnibus Election Code. #