13-anyos na honor student sa Jaen, umamin sa ginawang online school threat; isinailalim sa intervention
Natunton ng mga otoridad ang 13-anyos na estudyante na umano’y nagpadala ng mga online threat sa Lambakin National High School sa Jaen, Nueva Ecija.
Sa isinagawang digital forensic examination ng mga kinauukulan, natukoy ang account na ginamit sa pagpapadala ng mga pagbabanta. Lumabas na ang account ay naka-link sa numero ng magulang ng estudyante.
Ayon sa Jaen Police Station, umamin ang estudyante, na isa ring honor student, sa harap ng kanyang guardian, school principal, at municipal social worker na siya ang nasa likod ng mga ipinadalang mensahe.
Nagawa umano ng bata ang pananakot dahil sa personal na problemang pinagdaraanan, lalo na sa usapin ng pamilya.
Dahil menor de edad, isinailalim ang bata sa intervention at counseling sa halip na sampahan ng kaso. Kabilang sa tututukan ang kanyang kalagayan sa emosyon at mental health.
Ayon naman sa ina ng estudyante, hindi niya inaasahan ang ginawa ng anak dahil madalas siyang nasa trabaho at malayo sa kanilang tahanan bilang isang single parent.
Nagpaalala naman ang mga otoridad na ang pagpapakalat ng pagbabanta online ay maaaring matunton at may kaukulang pananagutan sa batas. #
