₱33.9-M halaga ng shabu, nasabat sa Clark
Hinarang ng Bureau of Customs – Port of Clark, katuwang ang Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs, ang pagpasok ng tinatayang 4.992 kilos ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱33.94-million.
Dumaan umano sa standard clearance procedure ang limang parcel kabilang ang X-ray scanning ng BOC X-ray Inspection Project. Nang makitaan ng kahina-hinalang imahe, isinailalim ito sa masusing physical examination at K-9 sniff test ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa inspeksyon, tumambad ang mga puting white crystal substance na pinaniniwalaang Methamphetamine Hydrochloride o shabu.

Kabilang sa mga nasabat ang parcel mula South Africa na idineklarang “air filters” at ipapadala sana sa Batangas City, parcel mula Uganda na nakatago sa briefcase patungong Dasmariñas City, dalawang parcel mula Zimbabwe na idineklarang “documents” para sa Las Piñas City, at isa pang parcel mula Delaware, USA na nakasilid sa kahon ng damit at nakatakdang ipadala sa Taguig City.
Base sa post ng BOC sa kanilang official page, mahalaga ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagtuklas ng mga tinatagong kontrabando.
Samantala, tiniyak ni BOC Port of Clark District Collector Jairus S. Reyes na mananatiling mahigpit ang pagbabantay laban sa drug smuggling. Inihahanda na rin ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) laban sa mga sangkot. #
