₱300-M na pondo, ilalaan para sa rehabilitasyon ng 2 tulay sa Tarlac
Nagpapatuloy pa rin ang search and retrieval operation para sa dalawang indibidwal na nawawala matapos mahulog sa Tarlac River nang gumuho ang bahagi ng Agana Bridge nitong August 29.
Nitong Huwebes, September 3, pinalawak na ng mga rescuer ang paghahanap hanggang sa mga lugar ng Urbiztondo-Mangatarem Bridge sa Agno River, gayundin sa Aguilar at Bugallon, Pangasinan, ayon sa MDRRMO ng Concepcion, Tarlac.
Na-recover naman nitong September 2, ang sasakyang nahulog sa ilog.
Samantala, maglalaan umano ang National Government ng ₱300-million para sa rehabilitasyon ng Agana at Aquino Bridge matapos mapinsala dahil sa malalakas na agos ng tubig at tuloy-tuloy na pag-ulan.

“So, para maging mas mabilis ang trabaho, we will be downloading ₱300 million to the local government dahil ito ay local bridge. Kaya sila ang kailangang magtatrabaho dito. Syempre, tutulungan natin, tutulungan sa technical aspects and we’ll help them in every way that we can,” ani Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..
Sa pag-iinspeksyon ng Pangulo sa dalawang nasirang tulay nitong Miyerkules, kabilang daw sa prayoridad ang Agana Bridge, na target na muling mabuksan para sa mga pedestrian sa loob ng isang linggo.
Inaasahan namang papayagan ang mga light vehicle na tumitimbang ng hanggang 10 tonelada na dumaan sa tulay sa loob ng dalawang linggo, kasabay ng mabilisang pagkukumpuni nito.
Sinabi rin ni Marcos na magtutulungan ang National at Local Government sa pagsasaayos nito, kabilang ang pagbibigay ng technical assistance upang mapabilis ang pagkukumpuni ng tulay.
Mas matagal naman daw ang maaaring abutin ng rehabilitasyon ng Aquino Bridge dahil mas malawak ang pinsalang tinamo nito.
Ayon sa Pangulo, kailangang matiyak na magiging mas matibay ang mga imprastraktura upang makayanan ang lumalalang epekto ng matitinding pag-ulan at pagbaha dulot ng climate change. #
