₱2.3-B agri & infra damage, iniwan ng habagat at mga bagyo sa Central Luzon; 4 na lalawigan, nasa ilalim ng State of Calamity
Pumalo na sa humigit-kumulang ₱2.36-billion ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at agrikultura sa Central Luzon matapos ang sunod-sunod na pag-ulan dulot ng pinalakas na Habagat at mga nagdaang Bagyong Luis, Maymay, at Neneng.
Batay sa Situational Report No. 34 ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) 3 ngayong Lunes, August 24, umabot na sa 1,095,710 pamilya o katumbas ng 3,517,338 indibidwal ang naapektuhan sa buong rehiyon.
Sa bilang na ito, humigit-kumulang 6,527 pamilya (22,633 indibidwal) ang kasalukuyang nananatili sa 283 evacuation centers, habang 13,163 pamilya (51,801 indibidwal) naman ang nanunuluyan sa labas ng mga pasilidad.
Pinakamalaking pagkalugi ang naitala sa imprastraktura at irigasyon na umabot sa ₱1,433,669,586.71. Kabilang dito ang ₱1.11-billion na pinsala sa Bulacan, Pampanga, at Zambales, kasama ang ₱286.6-million na damage sa irigasyon sa Nueva Ecija.
Hindi rin nakaligtas ang sektor ng agrikultura kung saan naitala ang ₱933,711,094.34 na pinsala na nagdulot ng matinding epekto sa mga sakahan at pangkabuhayan ng 22,647 magsasaka at mangingisda sa Gitnang Luzon.
Nasa 356 barangay pa rin ang nakalubog sa baha, kung saan pinakamarami ang naitala sa Pampanga (253 barangay), kasunod ang Bulacan (53), Tarlac (43), at Nueva Ecija (7). Bukod dito, may 20 insidente rin ng pagguho ng lupa at soil erosion sa Bataan, Pampanga, Tarlac, Zambales, at Olongapo City.
Apat na barangay naman sa Sta. Cruz at San Marcelino sa Zambales, pati na sa Capas, Tarlac, ang tuluyang na-isolate dahil sa nasirang mga tulay at matinding agos ng tubig-baha.
Sa kabuuan, 69 kalsada at 6 na tulay ang hindi pa rin madaanan sa Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, at Zambales.
Bunsod ng malawak na pinsala, pormal nang nagdeklara ng State of Calamity ang 70 lokal na pamahalaan, kabilang ang apat na lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga, at Zambales.
Umabot na sa 578 kabahayan ang naitalang nasira, kung saan 65 ang tuluyang nawasak at 513 ang partially damaged dahil sa malakas na hangin, pagguho ng lupa, at mountain runoff.
Samantala, mahigit ₱807-million na ang halaga ng relief assistance ang naipamahagi sa mga pamilyang apektado ng kalamidad. #
