₱10.15-M halaga ng marijuana resin at ‘kush’, nasabat sa Port of Clark
Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark ang apat na shipment ng hinihinalang marijuana resin at high-grade marijuana o “kush” na nagkakahalaga ng tinatayang ₱10.15-million matapos dumating ang mga ito mula sa Estados Unidos at Thailand.
Ayon sa BOC, na-flag ang lahat ng shipment dahil sa derogatory information na ibinigay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Isinailalim ang mga padala sa masusing X-ray scanning, K-9 sniff test, at 100% physical examination.


Dalawang shipment mula sa California, USA na dumating nitong July 1 at nakatakdang ipadala sa Caloocan City at Valenzuela City ang idineklara bilang “Custom Printed Wedding Photo” at “Letter Notebook.”
Sa inspeksyong isinagawa nitong July 3, nadiskubre ang apat na supot ng umano’y marijuana resin na may kabuuang timbang na 1,618 grams at tinatayang halagang ₱2.427-million.
Samantala, dalawang shipment naman mula sa Thailand ang dumating nito ring July 3 at kapwa nakapangalan sa iisang consignee sa Taguig City ang idineklarang naglalaman ng “Used Clothing.”
Gayunman, sa isinagawang inspeksyon nitong July 6, natuklasan ang walong plastic bag ng hinihinalang “kush” na may kabuuang timbang na 5,142 grams at tinatayang halagang ₱7.723-million.


Kinumpirma sa paunang pagsusuri gamit ang Rigaku spectrometer na positibo sa cannabinoids ang mga nakuhang sample. Isinailalim na rin ang mga ito sa confirmatory laboratory examination ng PDEA.
Naglabas na ang Bureau of Customs ng Warrants of Seizure and Detention laban sa apat na shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng Comprehensive Dangerous Drugs Act. #
