₱782-k halaga ng droga, nakumpiska sa limang suspek sa Pampanga
By Jam Gomez, CLTV36 News intern
Umabot sa ₱782,000 ang halaga ng hinihinalang shabu na nakumpiska ng pulisya sa dalawang high-value individual (HVI) at tatlo pang drug suspect sa Pampanga.
Umaga nitong Biyernes, March 14 nang isagawa ang joint operation ng Mabalacat City Police Station at Regional Intelligence Unit 3 na nagresulta sa pagkakahuli ng HVI na si alyas “Dul”. Arestado rin ang kanyang mga kasamahan na sina alyas “Jo,” “Jay,” at “Vin” matapos makumpiskahan ng 60 grams ng shabu na nagkakahalaga ng ₱408,000.

Kinagabihan ay isa pang buy-bust operation ang isinagawa naman sa San Jose, Magalang kung saan nahuli ang isa pang high-value individual na si alyas “Aldrin” ng Mabalacat City. Nakumpiska mula sa kanya ang 55 grams ng suspected shabu na tinatayang nasa ₱374,000 ang halaga.

Samantala, muling binigyang-diin ng Police Regional Office 3 (PRO 3) ang kanilang pangako para sa mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga. Hinimok din ng ahensya ang publiko na maging mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa mga otoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad. #