₱6.29-M halaga ng shabu, nadiskubre sa water pressure equipment
By Vin Dela Peña, CLTV36 News
Nasabat ang tinatayang 925 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱6.29-million sa loob ng isang water pressure equipment kasunod ng operasyon ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs.

Nadiskubre ang ilegal na droga sa isang shipment na nagmula sa United States at nakatakdang ipadala sa Taytay, Rizal.
Sa isinagawang Customs clearance procedure, nakita sa X-ray Inspection Project ng BOC ang kahina-hinalang imahe sa shipment, na sinundan ng K-9 sweeping ng PDEA.
Nagresulta ito ng indikasyon ng posibleng presensya ng dangerous drugs, at kalauna’y nagpositibo sa methamphetamine.
Naglabas na ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment. Kasunod nito, patuloy ang koordinasyon ng mga otoridad upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa. #
