₱35.4-M ng ‘smuggled’ na sibuyas at bawang, nasabat sa cold storage sa Nueva Ecija
Tinatayang mahigit ₱35.4 million na halaga ng mga imported na sibuyas at bawang ang nasabat sa isang cold storage facility sa Nueva Ecija kaugnay ng umano’y agricultural smuggling.

Mismong mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) ang nagsagawa ng inspeksyon sa mga nakumpiskang produkto nitong Lunes, June 1.
Ayon sa BOC, nag-ugat ang operasyon sa impormasyong natanggap mula sa NBI hinggil sa umano’y ilegal na pagpasok at pag-iimbak ng imported agricultural products.

Sa magkasanib na operasyon kasama ang Philippine Coast Guard, nadiskubre sa pasilidad ang nasa 10,948 sako ng dilaw at pulang sibuyas mula China at Netherlands, gayundin ang 12,350 sako ng bawang na mula rin sa China.
Dahil dito, naglabas ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention noong May 21 habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa importer at iba pang posibleng sangkot sa kaso.

Sinusuri rin ng mga otoridad kung may mga tauhan ng gobyerno na posibleng sangkot sa pagpasok at paggalaw ng mga naturang produkto.
Ayon kay NBI Director Matibag, titiyakin nilang mapapanagot ang mga responsable sa nasabing operasyon o sinumang mapatutunayang lumabag sa batas. #
