₱129-M halaga ng abandoned cigarettes, sinira ng BOC
By Noel Celeste, CLTV36 News
Higit ₱129.065-million na halaga ng mga abandonadong sigarilyo ang winasak ng Bureau of Customs (BOC) Port of Subic, matapos i-dispose ang tatlong container na naglalaman ng humigit-kumulang sa 3,000 kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo.


Isinagawa ang disposal mula July 28 hanggang August 3, sa Legaxy 88 Recyclable Materials Collection Services sa Santa Maria, Bulacan. Ito ang accredited disposal facility ng Port of Subic kung saan dumaan sa proseso ng shredding at pyrolysis ang mga sigarilyo upang tuluyang hindi na magamit.
Bilang bahagi ng pagsusulong ng transparency at accountability, ini-livestream din sa official YouTube channel ng Port of Subic ang aktuwal na pagsira sa mga produkto.
Ang tatlong naturang kargamento ay kabilang lamang sa 10 container ng abandonadong sigarilyo na nakatakda ring i-dispose at may kabuuang halaga na aabot sa ₱413-million.
Patuloy ang proseso para sa natitirang pitong container alinsunod sa mga itinakdang pamamaraan at koordinasyon ng mga kaukulang komite at accredited disposal facilities. #
