US President Donald Trump, nasa Malacañang na; mga katutubo mula Central Luzon, nagprotesta sa Maynila
Nasa Malacañang na si United States President Donald Trump ngayong Miyerkules, November 18. Sinalubong siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanilang bilateral meeting.

Ayon sa Palasyo, nakasentro ang pag-uusap ng dalawang lider sa seguridad sa rehiyon, kalakalan at pamumuhunan, mga banta sa pagitan ng mga bansa, at proteksyon ng Overseas Filipinos.

Ang state visit ni Trump ay kasunod ng kanyang pagdalo sa ASEAN-US Special Summit bilang bahagi ng 49th ASEAN Summit na pinamunuan ng Pilipinas. Itinaon din ito sa ika-80 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Amerika, at ika-75 taon ng Mutual Defense Treaty (MDT).
Iba naman ang eksena sa labas ng Palasyo.
Sa kabila ng mga kasunduang pangdepensa gaya ng MDT, Visiting Forces Agreement (VFA), at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), pati na ng $21.6 billion na bilateral trade ng dalawang bansa noong 2025, nagsagawa ng kilos-protesta sa Maynila ang iba’t ibang grupo at mga katutubong Aeta mula sa Central Luzon.
Tinututulan nila ang pagbisita ni Trump, ang lumalawak na presensya ng militar ng Amerika, at ang Pax Silica project, isang US-led artificial intelligence at semiconductor hub sa New Clark City.

Nauna nang iginiit ng pamahalaan na magdadala ang proyekto ng bilyong pisong pamumuhunan at trabaho, at hindi pababayaan ang mga maaapektuhang residente.

Ngunit ayon sa mga nagpoprotesta, posibleng mapalayas ang mga katutubo at magsasaka sa kanilang lupang ninuno sa Capas, Tarlac, bukod pa sa pagkasira ng kalikasan at pagkawala ng kanilang kabuhayan at mapagkukunan ng tubig. #
