₱1 fuel fee, pansamantalang sinuspinde sa Clark
Pansamantalang sinuspinde ng Clark Development Corporation (CDC) ang ₱1 kada litro na regulatory royalty fee sa mga delivery ng petroleum fuel sa loob ng Freeport upang makatulong na mapagaan ang gastusin ng mga locator at manggagawa.
Inihayag ni CDC President and CEO Atty. Agnes VST Devanadera ang hakbang sa isang town hall meeting na dinaluhan ng halos 300 locator nitong Lunes, April 6.
Ayon sa kanya, inaprubahan ang suspensyon sa pamamagitan ng Board Resolution alinsunod sa Memorandum Circular No. 110, s. 2026, na nagsimula noong April 1 at tatagal nang dalawang buwan.
Nilinaw ni Devanadera na layon nitong mapagaan ang operational cost at masuportahan ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga negosyo, at hindi nangangahulugan ng pag-waive ng kita ng pamahalaan.
Kinumpirma rin niya na ang Petron Corporation ay naglaan ng fuel supply para sa mga locator sa Clark, habang patuloy ang pakikipag-usap sa iba pang supplier.
Ayon pa kay Devanadera, ang suplay ng fuel na dumating mula Russia ay naibaba na sa refinery ng Petron at inaasahang ipapamahagi sa pamamagitan ng mga istasyon nito sa Clark.
Sa kasalukuyan, Petron pa lamang ang may aktibong suplay sa loob ng Freeport, ngunit pinapayagan ang iba pang gas station na magbukas kung mayroon na silang sariling supply.
Samantala, hinikayat naman ni CDC Vice President for Business Development Atty. Noelle Mina Meneses ang mga locator na makilahok sa patuloy na survey upang matukoy ang kanilang pangangailangan at makatulong sa maayos na alokasyon ng fuel.
Iminungkahi rin niya ang work-from-home at compressed work arrangements upang mabawasan ang pagkonsumo ng gasolina, habang nananatiling stable ang transport system sa Clark, kabilang ang hindi paggalaw ng pasahe at ruta ng Clark Loop.
Ibinahagi naman ni Vice President for Legal Affairs Atty. Gloria Victoria Yap-Taruc ang mga hakbang para sa energy resilience, gaya ng pagsusulong ng solar rooftop installations, net-metering, distributed energy programs, at pag-aaral sa paggamit ng electric vehicles at low-carbon mobility options.
Ayon sa CDC, patuloy nilang imo-monitor ang sitwasyon at makikipag-ugnayan sa iba’t ibang stakeholder upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon, maprotektahan ang mga investment, at mapanatili ang trabaho sa Clark Freeport Zone.
Nakatakda ring magsagawa ng isang follow-up town hall meeting upang magbigay ng update at mangalap pa ng suhestiyon mula sa mga locator. #
