Watershed sa Sapangbato, Angeles City, sumailalim sa community geo-tagging
Nagtulungan ang lokal na pamahalaan ng Angeles City at ang Aeta community sa Barangay Sapangbato sa isinagawang geo-tagging ng mga puno at halaman sa kanilang watershed area.

Sa aktibidad, tinukoy at naitala ang eksaktong lokasyon at mahahalagang detalye ng mga punongkahoy upang makabuo ng mas organisado at updated na database ng likas na yaman ng lungsod.
Lumahok sa geo-tagging ang mga kawani ng City Environment and Natural Resources Office, City Disaster Risk Reduction and Management Office, at mga kinatawan mula sa Aeta community ng Sapangbato.
Ayon sa lokal na pamahalaan, magsisilbing batayan ang mga nakalap na datos sa mga susunod na plano at programang pangkalikasan, kabilang ang tamang paggamit ng lupa sa lugar.
Makakatulong din ang impormasyong ito sa pag-monitor ng kalagayan ng mga puno, lalo na sa mga sensitibong bahagi ng watershed na mahalaga sa supply ng tubig ng lungsod.
Patuloy naman ang inisyatiba ng lungsod sa pagtatanim at pangangalaga ng mga puno sa naturang barangay, katuwang ang iba’t ibang sektor, upang matiyak ang pangmatagalang proteksyon ng watershed. #
