Walang outbreak ng influenza-like illnesses sa bansa: DOH
Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang outbreak ng influenza-like illnesses o ILI sa bansa.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, ang naitatalang pagtaas ng kaso ay karaniwan tuwing malamig ang panahon dahil dito nagsisimula ang tinatawag na “flu season.”

Normal umano ang pagdami ng mga nagkakaroon ng ubo, sipon, lagnat, pananakit ng lalamunan at katawan na dulot ng iba’t ibang virus tulad ng rhinovirus at influenza A at B—hindi tulad ng COVID-19 na nagmumula lamang sa iisang virus.
Giit ni Herbosa, hindi pa naaabot ang nararapat na bilang o threshold para magdeklara ng outbreak o pandemic. Panawagan niya sa publiko na huwag mag-panic sa mga ulat ng mga estudyanteng lumiliban sa klase dahil sa flu-like symptoms.
Nauna nang iniulat ng ahensya na mas mababa nang 8% ang kaso ng ILI ngayong taon kumpara noong 2024. Kasunod ito ng pagsususpinde ng face-to-face classes ng Department of Education (DepEd) sa NCR bunga ng ILI cases sa mga estudyante at guro. Sa City of San Fernando, Pampanga, nagpatupad din ng class suspension ang LGU at ilang private schools.
Ani Herbosa, magandang hakbang ang suspensyon ng klase para maiwasan ang hawaan, ngunit kailangan daw na may maayos itong koordinasyon sa mga kinauukulan at health authorities.
Nilinaw din ng DepEd na may iba pang dahilan ang suspension of classes gaya ng inspeksyon ng mga gusali matapos ang mga lindol at paghahanda sa posibleng kalamidad.
Paalala ng DOH, epektibo pa rin ang mga preventive measure na ginamit noong pandemya kontra ILI. Ugaliing uminom ng Vitamin C, manatiling hydrated, kumain ng balanced diet, matulog nang sapat, mag-exercise, at iwasan ang mataong lugar.
Patuloy naman ang monitoring ng DOH nationwide at tiniyak nila sa publiko na kontrolado ang sitwasyon at walang dapat ipangamba. #
