Voter registration para sa BSKE, aarangkada sa Agosto kahit ‘di pa tiyak ang halalan
Muling bubuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula August 1-10, kahit hindi pa tiyak kung matutuloy ito ngayong taon.

Ayon sa Komisyon, tatanggap sila ng mga aplikasyon para sa pagpaparehistro, pagpapabago o correction ng registration records, reactivation, inclusion o reinstatement ng pangalan sa listahan ng mga botante, at updating of records para sa Persons with Disability (PWD), senior citizens, at mga miyembro ng Indigenous Peoples (IP) at Indigenous Cultural Communities (ICC).
Magiging bukas ang registration centers mula Lunes hanggang Linggo, 8 AM-5 PM, kasama na ang mga holiday, maliban na lamang kung may abisong kanselasyon mula sa Comelec.
Kasabay nito, isasagawa rin ang Registration Anywhere Program (RAP) sa National Capital Region at piling bahagi ng Region 3 at Region 4-A mula August 1 hanggang August 7, upang mas mapadali ang pagpaparehistro ng mga botante sa mga lugar na malayo sa kanilang permanent address.
Samantala, sa ngayon ay hinihintay pa rin ang pirma ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa panukalang batas na magpapaliban sa BSKE mula December 1, 2025 patungong unang Lunes ng November 2026. #
