VM Jen Capil, umupo bilang acting mayor ng Porac
Humalili bilang acting mayor ng Porac, Pampanga si Vice Mayor Jen Capil nitong Lunes, March 9.
Ito ay matapos masuspinde nang 90 days ang kanyang ama na si Mayor Jing Capil kaugnay ng kasong graft na may kinalaman sa operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bayan.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), naipatupad ang preventive suspension order nitong nakaraang Biyernes, March 6.
Alinsunod ito sa resolusyon na inilabas ng Regional Trial Court sa Pasig City ukol sa seven counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na isinampa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Inakusahan ang alkalde na nagbigay umano ng pabor at benepisyo sa Lucky South 99 Outsourcing Inc. matapos aprubahan ang mayor’s permit nito kahit hindi naman kwalipikado.
Binatikos din ang umano’y kabiguan nitong magsagawa ng inspeksyon sa lugar sa kabila ng mga ulat ng ilegal na aktibidad sa nasabing POGO hub.
Matatandaang December 2, 2025 nang magpiyansa si Mayor Capil ng ₱630,000 para sa kanyang kaso kasunod ng inilabas na warrant of arrest ng nasabing korte. #
