Unified PWD ID System, ilulunsad na sa ilang bayan sa July

Magkakaroon na ng iisang disenyo at pamantayan para sa Persons with Disability o PWD ID sa buong bansa.
Ayon kay National Council on Disability Affairs o NCDA Executive Director Glenda Relova, sisimulan na ang pilot rollout ng unified PWD ID System sa tatlumpu’t limang bayan sa Pilipinas ngayong Hulyo.
Kabilang dito ang ilang mga bayan sa Pangasinan, Bulacan, Rizal, Laguna, Metro Manila, Bicol, Aklan, Bukidnon, Cotabato, pati na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Layunin ng bagong sistema na wakasan ang talamak na paggamit ng mga pekeng PWD ID, palakasin ang inclusivity, at mas mapadali ang pagkuha ng benepisyo ng mga tunay na PWD.
Sa kasalukuyan, ayon kay Relova, may kanya-kanyang disensyo ng PWD ID ang bawat LGU sa bansa, kaya mahirap daw talagang matukoy kung alin ang peke at totoo sa mga ito.
Kaya ang ilulunsad na ID sa susunod na buwan ay may iisang disenyo na lamang at sinamahan pa ng safety features. may RFID tag din at digital version ang bagong ID, at konektado ito sa National ID at E-verifier System para sa mas mabilis na authentication.
Ayon pa kay Relova, sa tala ng Bureau of Internal Revenue o BIR, tinatayang umabot sa ₱88.2-billion ang naluging buwis noong 2023 dahil sa mga pekeng PWD ID. Umaasa raw sila na sa pamamagitan ng bagong sistema ay maiiwasan na ito.
Bago makakuha ng Unified PWD ID, kailangang magsumite ang aplikante ng valid medical documents. Maglalabas din daw ang Department of Health o DOH ng updated list ng category of disability at mga doktor na pwedeng magbigay ng certification. Online na rin daw ang registration process.
Samantala, iginiit naman ng ahensya na habang nasa testing phase ang bagong ID system, patuloy pa ring kikilalanin ang mga lumang PWD ID. #
