Trans women athlete, posibleng i-ban sa lahat ng female Olympic events

Planong ipagbawal ng International Olympic Committee (IOC) ang paglahok ng transgender women sa women’s category sa lahat ng Olympic sports.
Bunsod ito ng scientific review na nagsabing nananatili ang physical advantage ng mga ipinanganak na lalaki kahit pa sumailalim sa testosterone suppression.
Batay sa report, patunay dito ang resulta ng pagsusuri ng isang Canadian sports medicine expert sa Switzerland sa pagkakaiba ng pisikal na katangian ng mga lalaki at babae.
Papalitan ng panibagong alituntunin ang dating patakaran ng IOC na nagpapahintulot sa mga transgender athlete na lumahok kung mababa ang kanilang testosterone level, na dati ay hinahayaan ang bawat sports federation na magtakda ng sariling pamantayan.
Sinabi ni IOC President Kirsty Coventry na layunin ng pagbabago na protektahan ang integridad ng women’s category at nakabatay sa agham ang kanilang desisyon.
Inaasahang ilalabas ang pinal na anunsyo sa February 2026 bago ang Milan-Cortina Winter Games, kapag natapos na ang iba pang legal na pagsusuri sa bagong panuntunan. #
