TNVS Alliance, nananawagan ng mas bukas na dayalogo hinggil sa motorcycle taxi issue sa Angeles City
Nagpadala ng liham ang grupong TNVS Alliance kay Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin II bilang paanyaya sa isang general assembly sa Don Bosco Academy sa Mabalacat City sa Huwebes, May 21. Layon umano nitong magkaroon ng mas bukas na pag-uusap hinggil sa regulasyon ng motorcycle taxi operations sa Syudad.
Sa liham na pirmado ni Iver Mandaguit, founder ng TNVS Alliance, sinabi ng grupo na target ng pagtitipon na pag-isahin ang mahigit 500 riders mula sa iba’t ibang motorcycle rider organizations sa Pampanga upang mailahad ang kanilang panawagan para sa legal at maayos na regulasyon ng MC Taxi bilang lehitimong transportasyon at kabuhayan.
Ayon sa TNVS Alliance, nais nilang mabigyan ng pagkakataon ang mga riders na direktang maiparating sa lokal na pamahalaan ang kanilang kalagayan habang mabibigyang-linaw rin ang pananaw ng Angeles City LGU kaugnay sa kaligtasan, regulasyon, at operasyon ng motorcycle taxi services.
Iginiit ng grupo na naniniwala sila na “regulasyon, hindi pagbabawal” ang praktikal na solusyon at maayos na dayalogo upang maprotektahan ang commuters, riders, at publiko.
Ang panawagan ay sa gitna ng nagpapatuloy na deadlock sa pagitan ng Angeles City LGU at ride-hailing platform na Maxim kaugnay ng operasyon ng motorcycle taxi at app-based transport services sa lungsod.
Nauna nang nagpahayag ang Maxim na bukas sila sa dayalogo ngunit tumanggi silang pansamantalang ihinto ang kanilang operasyon habang nagpapatuloy ang negosasyon sa LGU.
Sa kanilang official statement, sinabi ng kumpanya na mahalaga ang malinaw na polisiya at patas na regulasyon upang hindi maapektuhan ang kabuhayan ng riders at serbisyo sa publiko.
Samantala, iginiit naman ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni “Banoy” Lopez sa kanyang pagbisita sa Angeles City ngayong Miyerkules, May 20, na kinakailangang maayos na ma-regulate ang motorcycle taxi operations habang wala pang batas na naipapasa sa Kongreso.
Nilinaw rin niya na nasa ilalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang regulatory framework para sa motorcycle taxi sector.
Sa ngayon, umaasa ang ilang grupo ng mga rider na magiging simula ang open dialogue na ito para sa mas malinaw na polisiya sa pagitan ng transport groups at lokal na pamahalaan. #
