Termino ng Barangay at SK officials, magiging apat na taon na
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang Republic Act No. 12232 na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon.
Sa halip na sa December 1, 2025, gaganapin na ang susunod na halalan sa unang Lunes ng November 2026, o sa November 2, 2026 (All Souls’ Day), at tuwing apat na taon matapos nito.


Layon umano nitong magbigay-daan sa first-ever parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gaganapin sa darating na October 13.
Bukod dito, sa ilalim ng bagong batas, magiging apat na taon na rin ang termino ng mga halal na opisyal, ngunit limitado lamang sa tatlong sunod na termino ang barangay officials at isang termino naman para sa SK officials.

Mananatili sa pwesto ang mga kasalukuyang opisyal hanggang sa makapanumpa ang mga bagong halal sa December 1, 2026, maliban sa mga nasa ikatlong sunod na termino na hindi na maaaring kumandidato.
Samantala, nakatakda namang ma-publish sa Official Gazette ang naturang batas upang pormal na itong maging epektibo, habang inatasan ang Commission on Elections (Comelec) na maglabas ng patakaran para sa implementasyon nito sa loob ng 90 days. #
