Tax evasion case, isinampa sa 3 dating opisyal ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office

Sinampahan na ng tax evasion case ng Bureau of Internal Revenue sa Department of Justice ang tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office.
Dahil ito sa umano’y bilyong pisong kakulangan sa buwis at ilegal na kita mula sa mga anomalya sa kanilang proyekto sa probinsya.
Kabilang sa mga kinasuhan sina dating District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, at dating Construction Section Chief Jaypee Mendoza.
Ayon sa imbestigasyon, hindi umano tugma ang yaman, financial records, at pamumuhay ng mga dating opisyal sa kanilang kinikita bilang mga kawani ng gobyerno.
Natukoy din sa lifestyle check na malaking bahagi ng kanilang kita ay mula umano sa tinatawag na “proponents’ shares” o kickbacks mula sa ghost flood-control projects.
Nadiskubre ding kaduda-duda ang kanilang pagsusugal gamit ang malaking halaga na ipinapalit sa casino chips, batay sa records ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ayon pa sa BIR, mahalagang ebidensya rin ang kanilang mga luxury vehicle at high-value properties na hindi tugma sa idineklara nilang sources of income at annual tax returns.
Dagdag pa nila, hindi rin maipaliwanag ng kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN ang lawak ng kanilang ari-arian at ginagastos.
Dahil dito, isinampa ang kasong willful failure to file at willful failure to supply correct and accurate information sa kanilang income tax returns.
Ang hakbang na ito ay bahagi raw ng mas malawak na imbestigasyon ng ahensya laban sa mga opisyal na nasasangkot sa umano’y anomalya sa flood-control projects sa Pilipinas. #
